TUGUEGARAO CITY-Pansamantalang ipinagbawal ang pagkatay ng mga alagang baboy at pagbebenta nito sa Brgy. Casambalangan, Sta. Ana, Cagayan.
Ito ay matapos na magpositibo sa African swine fever (ASF) ang specimen na kinuha sa tatlong namatay na alagang baboy sa nasabing barangay.
Sinabi ni Mayor Nelson Robinion ng Sta. Ana na layon ng paghihigpit sa galaw ng mga karne at alagang baboy na ma-contain ang virus para hindi na kumalat sa ibang lugar.
Ayon sa alkalde, magpupulong ang municipal agriculture office kasama ang mga manggagaling sa probinsiya para pag-usapan kung hanggang kailan ito ipatutupad.
Dahil dito, nanawagan ang opisyal sa mga mamamayan lalo na sa mga nag-aalaga ng baboy na makiisa sa ipinatutupad na hakbang para hindi maapektuhan ang pangkabuhayan ng mga backyard raisers.
Napag-alaman na galing sa biniling baboy mula sa ibang lugar ang nakahawa sa ilang alagang baboy sa Sta. Ana.