TUGUEGARAO CITY-Pinamamadali na ng Local Government Unit (LGU)-Calayan ang pagkongreto sa coastal road ng Babuyan Claro para may magandang daungan ng mga bangka na magdadala ng anumang gamit o produkto sa lugar.

Sa naging panayam kay Mayor Joseph Llopis ng Calayan, pahirapan ang pagdadala ng mga produkto sa lugar dahil kailangan pa itong ilagay sa balsa na hihilahin ng mga tao para madala sa gilid.

Ayon kay Llopis, malalaki ang mga bato sa gilid ng dagat kung kaya’t hindi derektang makadaong ang mga malalaking bangka sa pampang.

Ikinuwento rin ni Llopis ang kanilang karanasan sa tatlong araw na pagbisita sa lugar kung saan bumaliktad sila, kasama ang bise alkalde habang hinihila ng mga tao ang balsa na kanilang sinasakyan papunta sa gilid matapos hampasin ng malalaking alon.

Maswerte namang walang tinamong sugat ang dalawa dahil agad silang sinaklolohan nga mga residente na nasa lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil sa pangyayari, sinabi niya na tinututukan ng LGU ang pagkongreto sa coastal road na komokonekta sa isang bahagi ng Babuyan Claro na maaaring dumaong sa gilid ang mga malalaking bangka para matulungan ang nasa 450 na pamilya na katumbas ng nasa mahigit dalawang libong residente.

Tinig ni Mayor Joseph Llopis

Samantala, kasabay ng pagbisita ng mga opisyal ng LGU-calayan sa babuyan Claro ang pagsagawa ng medical mission, pagbabakuna at ang pag-follow up sa mga proyekto na unang ipinatupad sa lugar.

Tiniyak naman ng alkalde na sumasailalim sa quarantine ang lahat ng kanilang mga residente na umuuwi sa isla para mapanatili kawalan ng naitatalang positibo sa covid-19.