Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Basco Batanes ang pagkumpuni sa mga daluyan ng tubig o mga pampublikong gripo matapos
ang pananalasa ni Bagyong Julian.
Ayon sa LGU Basco, matagumpay na naayos ng water team ang pinsala sa MIAGA water source dahilan upang muling makakuha ng limitadong suplay ng tubig ang mga mamamayan.
Bagamat patuloy ang pagkukumpuni sa pangunahing IRAYA water source ay binuksan na ang mga pampublikong gripo sa bayan.
Ang mga residente ay maaaring kumuha ng tubig mula sa Municipal Garage mula alas-8 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi araw-araw.
Kaugnay nito ay sinimulan na rin ngayong araw ang water rationing para masigurong maayos ang distribusyon ng tubig sa mga mamamayang nangangailangan.
Ang mga residente na nais makatanggap ng rasyon ng tubig ay pinapayuhang magparehistro sa Tanggapan ng Punong Bayan upang maisama sa sistema kapag lubos nang operational ang mga mga pasilidad.
Bilang karagdagang hakbang, kasalukuyan ding ini-install ang mga solar lights upang bigyang ilaw ang mga kalsadang nanatiling madilim dahil sa kawalan ng kuryente matapos ang bagyo.
Patuloy namang hinihimok ng lokal na pamahalaan ang mga residente na magtulungan at manatiling mapagbantay habang nagpapatuloy ang recovery efforts ng bayan.