Tuguegarao City – Maaaring ilabas ang pagkakakilanlan ng mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 bilang bahagi ng pagtugon sa public health and safety demands upang labanan ang banta ng sakit.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Egon Cayosa, National President ng Integrated Bar of the Philippines, nakapaloob sa batas ang pagkakaroon ng exceptional circumstances lalo na sa ganitong sitwasyon.
Ayon sa kanya, ang pagtukoy sa mga pasyente ay para kabutihan ng publiko at upang mabilis na makagawa ng hakbang ang lahat na mapigilan ang pagkalat ng naturang sakit.
Ang naturang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga pasyente ng COVID-19 ay makatutulong din aniya sa mabilis na contact tracing ng mga otoridad.
Samantala, binigyang diin pa ni Atty. Cayosa na iligal ang pananakit at diskriminasyon na ginagawa sa mga pasyente at mga front-liners.
Sinabi niya na hindi kagustuhan ng sinuman na tamaan ng naturang sakit kaya’t walang dapat makaranas ng diskriminasyon.
Muli itong nagbabala sa sinuman na maaari silang maharap sa kaukulang kaso sa oras na mahuling nananakit sa mga frontliners at mga pasyente ng COVID-19.