TUGUEGARAO CITY-Magtutulungan ang Department Of Health (DOH)-Region 02 at Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa pag-test sa mga specimen para agad na mailabas ang resulta ng mga posibleng carrier ng Covid-19.

Pahayag ito ni Dr. Rio Magpantay, Regional Director ng DOH-Region 02, matapos makakuha ng lisensiya at nagsimula nang tumanggap ng mga susuriing specimen ang covid-19 testing center ng CVMC,kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Magpantay na patuloy ang pagtaas ng kaso ng virus sa rehiyon kung kaya’t malaking tulong ang pagsisimula ng operasyon ng kauna-unahang molecular laboratory sa rehiyon dos para mabilis ang paglabas ng resulta ng mga covid 19 patients.

Sa ngayon kasi aniya ay nauubusan ng covid 19 cartridge ang gamit na genexpert machine ng doh region 2.

Matatandaan na pinasinayaan ang covid-19 laboratory ng CVMC nitong agusto a-tres kung saan kahapon,inisyu ng DoH central office ang license to operate ng pasilidad.

-- ADVERTISEMENT --

Dalawang reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) machine ang naka-install at gagamitin sa covid-19 testing center ng CVMC kung saan hinihintay pa ang isang machine na manggagaling sa DoH central office.

Kaugnay nito, sinabi ni Magpantay 75 percent sa mga nagpositibo ng virus ay mga Locally stranded individuals (LSIs) at mga Returning Overseas Filipinos (ROFs).

Nabatid na nasa 491 ang naitalang kaso ng kumpirmadong kaso sa lambak cagayan hanggang kahapon.

Dahil dito, nanawagan si Magpantay sa mga Local Government Unit (LGUs) na higpitan ang pagbabantay sa mga boarder areas sa kanilang lugar at tiyakin na sumasailalim sa 14-day quarantine ang mga umuuwing residente para hindi na kumalat ang virus.

Umapela rin ang pangrehiyong director sa mga suspect covid 19 patients na nagne-negatibo ang resulta ng swab test na tapusin pa rin ang 14-day quarantine bago umuwi sa kanilang bahay para matiyak na hindi siya carrier ng naturang nakakahawang sakit.

Tinig ni Dr. Rio Magpantay

Samantala, pinayuhan ni Magpantay ang mga LGUs na patuloy na ipatupad ang pagbabakuna dahil maaring hindi na lamang outbreak sa covid-19 ang mararanasan kundi pati na rin ang mga vaccine preventable diseases.

Aniya, lalo pang bumaba ang implementasyon ng immunization program sa mga LGU’s dahil naging abala ang mga rural health workers sa pagtugon sa problema sa pandemya.

Sinabi ni Magpantay na bago pa kumalat ang covid-19 ay problema na ng kanilang tanggapan ang mababang bilang ng mga batang nababakunahan kung kaya’t humihingi siya ng tulong sa mga LGUs lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Tinig ni Dr. Rio Magpantay