Hindi pinaboran ng mayorya sa konseho ng lungsod ng Tugeugarao ang kahilingang magkaroon ng baratilyo o flea market sa lungsod bilang bahagi sa mga aktibidad ng 2023 Pavvurulun Afi Festival sa buwan ng Agosto.
Sa isinagawang nominal voting voting ng mga miyembro ng konseho na physically present sa session, pito ang bumoto ng tutol sa paglalagay ng baratilyo habang tatlo lamang ang pumabor.
Bilang bahagi ng polisiyang nakapaloob sa Internal Rules and Procedures ng Konseho ay hindi ibinilang ang boto ng mga miyembro ng Sanguniang Panlungsod na hindi physically pressent tulad ng pagdalo sa pamamagitan lamang ng zoom at maging ang mga hindi nakadalo sa session dahil sa kanilang mga official business.
Ayon kay City Councilor Jude Bayona, pangunahin sa dahilan ng mga konsehal na tumanggi sa pagkakaroon ng baratilyo ay ang banta pa rin ng COVID-19 kung saan bagamat may kita aniya na makukuha dito ang City Government ay hindi nito kakayanin kung mas lumala pa ang problema dahil sa pagdami ng kaso ng naturang virus.
Paliwanag niya, ang baratilyo ay kadalasang dinudumog ng publiko na hindi lamang mula sa lunsod kundi maging ng mga residenteng galing sa mga kalapit bayan o probinsya at dahil dito ay maaaring mahirapan ang mga nagbebenta na ipatupad ang public health and safety standards.
Dagdag pa aniya rito na kung sakaling papayagan ang baratilyo ay magkakaroon na rin ng kakompitensya ang mga stall owners na nasa Tuguegarao City Commercial Center dahil hindi lamang sila ang maaaring pumuwesto kundi maging ang iba pang negosyante na mula sa ibat ibang lugar.