Tuguegarao City- Umalma ang Arangkada Riders Association sa bagong guidelines sa paglalagay ng barrier o harang sa pagitan ng diver at back rider ng motorsiklo.

Sa panayam kay John Allam, Regional Coordinator ng nasabing grupo, mas malaki ang posibilidad ng pagkaka aksidente ng mga motorista kung lalagyan ng harang ang pagitan ng motorsiklo.

Paliwanag niya, sa bahagi ng isang rider at ng kanyang angkas ay maaaring maapektohan ang ”aero dynamics” dahil may harang na dati ng nakalagay sa unahan ng driver at madadagdagan pa ito sa pagitan.

Sinabi niya na sapat na sana ang pagsusuot ng facemask o face shield, full face helmet, at iba pang maaaring gamitin upang labanan ang banta ng COVID-19.

-- ADVERTISEMENT --

Nakatakda aniyang magpulong ang kanilang grupo upang pag-usapan ang plano sa pag-apela sa inilabas na guidelines.

Samantala, nanawagan pa ito na sana ay payagan na rin hindi lamang ang mga mag-asawa sa pag-aangkas, kundi maging ng mga kamag-anak at iba pang kasama sa bahay.