Ibinabala ng Environment Management Bureau (EMB) Region 2 sa publiko na hindi pa rin ligtas ang maligo sa Pinacanauan river dahil sa presensya ng fecal coliforms sa tubig.

Sa water sampling na isinagawa, lumabas na naglalaman ng mataas na antas ng fecal coliform o bacteria na galing sa dumi ng tao ang tubig sa pinacanauan river.

Sinabi ni Engr. Florentino Lingan, Jr., chief ng environmental monitoring and enforcement division ng EMB-RO2 na hindi nila ipinapayo ang paliligo sa pinacanauan river lalo na sa mga mayroong mahihina ang immune system dahil maaaring makaranas ng diarrhea at skin diseases kung ma-expose sa kontaminadong tubig dahil sa bacterial infection.

Ayon kay Lingan na bagamat nabawasan ang air pollution bunsod ng ipinatupad na restrictions sa pagbiyahe ng mga tao dahil sa covid 19 pandemic, tumaas naman ang problema sa basura dahil namalagi sa kanilang bahay ang mga tao at hindi naging regular ang pangongolekta sa basura ng mga garbage colector.

Dagdag pa niya na isa sa mga nakikita nilang dahilan sa pagtaas ng fecal bacteria sa pinacanauan river ay dahil sa hindi tamang waste disposal kung saan dumidiretso ito sa katubigan.

-- ADVERTISEMENT --

Bagamat mayroong mga bata na naliligo sa ilog pero maaaring makakuha ng impeksiyon ang mga tao na sensitibo ang kanilang balat.

Pinuri naman ng opisyal ang regular na clean up drive ng mga brgy officials at stakeholders subalit kailangang magpatupad ng mas mahigpit na panuntunan hinggil sa waste management o pagtatapon ng basura.

Inihayag pa ni Lingan na nakadagdag sa kalidad ng tubig sa Pinacanauan de Tuguegarao ang mga total suspended solids o particles.