Sinuspindi ng korte sa Caloocan City ng 30 araw ang paglilitis kina Pandi, Bulacan Mayor Enrico Roque, municipal councilor Jonjon Roxas at driver Roel Raymundo na nahaharap sa kasong dalawang bilang ng rape o panggagahasa.
Inilabas ni Judge Rowena Alejandra ng Caloocan City Regional Trial Court Branch 121 ang kautusan kaakibat ng pagsang-ayon sa motion to quash sa arrest order laban sa mga akusado, na nagbunsod ng pagpapalaya sa mga ito.
Kasabay nito, inatasan ng korte ang prosecutor’s office na isumite ang kanilang reinvestigation findings sa loob ng 30 araw.
Sa kanyang kautusan, pinanigan ni Alejandra ang pahayag ng mga akusado na nalabag ang kanilang constitutional rights, kabilang ang right to due process.
Ayon sa mga ito, hindi sinabi sa kanila ang facts and circumstances ng mga kaso laban sa kanila, at hindi rin umano sila nabigyan ng abiso sa proceedings.
Pinabulaanan din ng mga ito na sila ay residente ng Caloocan City, kaya invalid umano ang isinilbi sa kanila na subpoena.
Iginiit ni Mayor Roque na wala siyang bahay sa Caloocan at mariin niyang pinabulaanan ang mga pahayag ng biktima na siya ay inabuso sa sinasabing bahay niya sa Langit Road, Bagong Silang sa nasabing lungsod.
Matatandaan na naghain ang prosecutors ng two counts of rape laban sa mga akusado, na ayon sa biktima ay ginahasa umano siya noong April 6, 2019 noong siya ay 17 anyos pa lamang.
Binigyang-diin ni Roque na politically motivated ang mga akusasyon laban sa kanya at may layunin na sirain ang kanyang reputasyon dahil sa tatakbo siya para sa ikatlong termino sa susunod na taon sa bayan ng Pandi, Bulacan.