Tuguegarao City- Patuloy na binabantayan ng Cagayan Provincial Health Office (PHO) ang nakakaalarmang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa probinsya.

Sa panayam kay Dr. Carlos Cortina, Provincial Health Officer, may kahilingan na ang Pamahalaang panlalawigan ng Cagayan sa National Task Force para sa pagsasagawa ng aggressive community testing.

Ito ay bilang bahagi ng hakbang upang ma-contain ang pagdami ng kaso ng virus lalo na sa mga lugar na mataas ang kaso ng active cases.

Bukod sa Lungsod ng Tuguegarao, pangunahin aniya sa binabantayan ngayon ay ang bayan ng Baggao na ngayon ay may mabilis na pagtaas ng kaso ng local transmission.

Saad pa nito, kung magtutuloy-tuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng virus ay posible din ang pagrerekomenda ng pagbabago ng community quarantine status sa probinsya.

-- ADVERTISEMENT --

Nagsagawa na rin aniya ng pagpupulong kaugnay sa mga ilalatag na plano at mga proceso upang makapaglaan ng pondo sa pagbili ng bakuna sa probinsya.

Gayonman, ipinunto pa niya na hindi na matatanggal sa publiko ang pangambang magpabakuna dahil sa mga naging issues sa mga nakaraan ngunit kailangan aniyang isipin na ito ay bilang pagtiyak sa kaligtasan laban sa banta ng nakamamatay na sakit.

Ayon sa kanya ay dumaan sa pagsusuri at pag-aaral ang mga bakunang bibilhin ng pamahalaan at aprubado rin ng Food and Drug Administration at iba pang concerned agencies.

Samantala, sinabi pa ni Cortina na naka-isolate ngayon ang pamilyang direct contact ng OFW na mula sa Solana na nagpositibo sa UK Variant ng COVID-19 sa Hongkong.

Bagamat negatibo na sila sa unang ginawang pagsusuri dito sa probinsya ay hinihintay pa rin ang resulta ng test na manggagaling pa sa Maynila upang matiyak na ligtas sila sa virus.

Samantala, kahapon ay muling nakapagtala ang Cagayan Provincial Health Office ng 55 panibagong kaso ng COVID-19.