Niluwagan na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang paglabas at pagluwas ng mga alagang baboy at maging ng mga pork at processed product sa probinsya.

Sa panayam kay Dr. Noli Buen, Provincial Veterinarian Officer ng Cagayan, binawi ang pagpapairal ng temporary ban na inilabas ng Provincial government sa kasagsagan ng pagdami ng Kaso ng African Swine Fever matapos magpaabot ng hinaing ang ilang mga local hog raisers na hindi sila nakakapagbenta ng kanilang mga alagang baboy sa ibang bayan sa probinsya dahil sa restrictions.

Kaugnay pa nito ay ang mababang presyo na pagbili ng mga local butchers sa kanilang mga alaga at hindi na nakakayanan sa kanilang mga pamilihan na maibenta ang mga ito dahil sa dami ng supply.

Ayon kay Buen, ang pagdami ng mga bentang baboy at mga produktong karne ay indikasyon na mayroon ng sapat na supply sa probinsya kaya’t bilang tulong sa mga nag-aalaga ay pinapayagan silang magbenta at magluwas ng kanilang mga alaga sa ibang mga bayan o lugar sa probinsya.

-- ADVERTISEMENT --

Gayonman ay nilinaw nito na dapat mayroong kaukulang dokumento ang mga ibebentang baboy o mga karne tulad na lamang ng Barangay Certificate na manggagaling sa mismong barangay na pinagmulan nito at malinaw na nakasaad na sa nasabing lugar ay walang kaso ng ASF at walang mga namatay na baboy.

Bahagi rin ng proceso na kapag nakakuha ng Barangay Certificate ang negosyanteng magluluwas nito ay kukuha din ng panibagong sertipikasyon sa nakakasakop na Municipal Agriculture Office bago dalhin ang lahat ng ito sa Provincial Veterinary Office para mabigyan sila ng health certificate.

Ginawa aniya ito upang mas mapadali ang pagkakaroon ng contact tracing sakali man na mayroon muling magpositibong baboy sa virus habang iniluluwas.

Sinabi pa ni Buen na bahagi rin ng pagluwag ng restrictions ay inatasan na nila ang lahat ng mga LGUs na paigtingin ang kanilang surveillance at monitoring upang mabantayan pa rin ang mga produkto.

Samantala, inihayag nito kumuha na rin ng samples ang PVET mula sa mga alagang manok na napaulat na namatay sa bahagi ng Brgy. Logung at Annabuculan sa Amulung para masuri at matukoy kung ito ba ay may kinalaman sa bird flu.