Niluwagan na ng pamahalaang panlungsod ng Tugeugarao ang panuntunang paiiralin para sa paglabas ng mga kabataang edad 17 pababa at maging ang curfew hours sa lungsod.
Ito ay matapos amyendahan ng konseho ang inilabas na Executive Order ni Mayor Jefferson Soriano kaugnay sa mga panuntunang dapat sundin laban sa COVID-19.
Sa ngayon ay pinapayagan ng lumabas ng bahay ang mga kabataang edad 17 pababa basta’t may kasamang guadian na fully vaccinated at ipatutupad ang 10pm-5am na curfew hours habang sinuspindi na ang pag-iral ng curfew sa mga may edad 18 pataas.
Sa ilalim ng inamyendahang kautusan ay pinapayagan na rin ang pagdaraos ng selebrasyon sa Birthday, kasal, binyag at iba pang okasyon sa 70% venue capacity habang ang fiesta naman ay nananatiling bawal sa lungsod.
Sa nalalapit na pagdiriwang naman ng City Charter Day ay tanging ang pagsasagawa lamang ng misa, awarding ng model barangays at top ten tax payers.
Dagdag pa rito, pinapayagan na rin ang operasyon ng night market sa Gomez St, Corner Bonifacio St. hanggang Magallanes St. mula 4pm hanggang 12 midnight mula ngayong araw hanggang sa katapusan ng taon.
Kaugnay nito ay hahanapin ng Market Administrator at ng Business Permit and Licensing Office ang mga special permit ng mga negosyanteng pinapahintulutang magtinda.
Tanging ang mga fully vaccinated na negosyanteng residente sa lungsod ang papayagang magtinda at may 2×3 meters na luwang inilaang puwesto para sa bawat isang negosyante.