Ipinag-utos ng Bureau of Corrections (BuCor) ang imbestigasyon sa alegasyon ng pagmamaltrato sa mga pusa sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.

Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang na may binuo na siyang fact-finding team na mag-iimbestiga sa mga kaso ng pagmamaltrato sa mga hayop sa NBP.

Ayon kay Catapang, hindi nila papayagan ang ganitong mga insidente sa loob ng pasilidad.

Kaugnay nito, sinabi ni BuCor media consultant Weng Ocfemia na walang natanggap ang national penitentiary na impormasyon tungkol sa pag-abuso sa mga pusa.

Sinabi ni Ocfemia na ang nangyayari sa Bilibid ay pagkapon sa mga pusa dahil marami sa mga inmates ay nakalmot umano ng mga pusa.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Catapang, nakikipag-ugnayan na sila sa pamahalaang lokal ng Muntinlupa para tugunan ang mga reklamo ng kalmot at pagkagat ng mga pusa sa mga inmate.

Una rito, isiniwalat ng isang inmate na pitong taon sa Bilibid at lumaya noong November 2025, na ibinebenta ang mga galang mga pusa sa mga inmate at Chinese customers.

Inakusahan din niya ang ilang NBP personnel na inilalagay ang ilang pusa sa mga sako dahil sa dumadami ang kanilang populasyon at inilalagay sila sa hindi matukoy na lugar.

Sinabi ng inmate na nasaksihan niya ang pagpugot at binabalatan ang mga pusa.

Subalit iginiit ni Ocfemia na walang natanggap na impormasyon ang BuCor sa pang-aabuso sa mga pusa sa NBP at sa iba pang bilangguan.

Sinabi niya na may partnership ang NBP sa animal group Biyaya Animal Care para sa pagkapon, ligation at pagbabakuna sa mga pusa para sa proteksion umano ng mga inmates.