Dalawang persons of interest ang pinaghahanap ng pulisya na nanloob sa isang bodega sa Barangay Calantac, Alcala noong madaling araw ng November 9.
Ayon kay PCMSGT Darcoin Callano ng PNP-Alcala, nakunan ng CCTV camera ng establiyimento ang pagtanggal ng dalawang suspek sa screw ng sliding window ng bodega na nakasuot ng raincoat at facemask.
Sa kuha ng CCTV, makikita rin na iniba ng magnanakaw ang direksyon ng camera.
Nabatid na pinilit kunin ng mga kawatan ang tig-limang pisong barya sa opisina ng bodega na nagkakahalaga ng P7,500 na nakasilid sa bag.
Subalit dahil sa bigat ng pera ay iniwan ng mga suspek ang mga barya malapit sa lugar at tinakpan ng isang plastic drum na posible sanang babalikan.
Nilinaw ni Callano na hindi inside-job ang nangyaring panloloob sa bodega na pagmamay-ari ng negosyanteng si Edison Sales, 39 ng Barangay Baybayog.