TUGUEGARAO CITY- Malaking hamon para sa susunod na administrasyon ang plano ni presumptive President Bongbong Marcos na maibaba sa P20-P30 ang kada kilo ng presyo ng bigas sa bansa.
Bagamat posible, sinabi ni Cathy Estavilio ng grupong Bantay Bigas na kailangan lamang ng political will sa susunod na Presidente para sa pag-unlad ng national food security.
Aniya, responsibilidad ng gubyerno na gawing abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado para sa maralitang Pilipino, kasama na ang bigas.
Naniniwala si Estavilio na ang pagbuwag sa Rice Tarrification Law ang magiging solusyon para maibaba sa P20 kada kilo ang bigas.
Paliwanag nito na tatlong taon na mula nang maisabatas ang RTL subalit hindi pa rin abot-kaya ang presyo ng bigas na taliwas sa ipinangakong gawing P25 kada kilo ang presyo nito.
Bukod sa planong maibaba ang presyo ng bigas, sinabi ni Estavilio na kailangan rin pababain ang presyo ng mga farm inputs tulad ng abono, binhi at post harvest facilities.
Sa kasalukuyan, aabutin ng P70,000 ang magagastos ng isang magsasaka para sa isang ektaryang palayan habang nananatiling mababa ang farmgate price ng palay sa P12 hanggang P16 subalit ang presyo ng bigas sa merkado ay nasa P38 hanggang P40 kada kilo, depende sa klase nito.
Kasunod nito ay umaasa ang grupo na tuluyang maipawalang bisa ang RTL at maipasa na ang panukalang Rice Industry Development Act na popondohan ng P495 bilyon para sa tatlong taon kung saan ang P385 bilyon ay ilalaan ng NFA sa pagbili ng palay sa mga magsasaka.