Tuguegarao City- Tinututukan ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) Region 2 ang pagpapa-unlad sa industriya ng kawayan sa rehiyon.

Sa panayam kay Mary Ann Dy, Chief ng Industrial Division, nag-umpisa na silang mamahagi ng “bamboo business starter kits” sa ilang mga beneficiaries sa Cagayan.

Kabilang aniya sa mga nabigyan na sa Cagayan ay ang LGU Tuguegarao, Clavera, Sanchez Mira, Buguey, Baggao at Piat.

Sinabi nito na malaking tulong ang mga starting kits upang makapag-umpisang magtanim ng kawayan ang mga target na benepisyaryo ng proyekto.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag ni Dy, isa rin sa layunin ng ahensya ay upang tutukan ang pagkakaroon ng mga bamboo nurseries and plantation.

Batay aniya sa pag-aaral ay malaki ang maitutulong ng kawayang itinuturing na “grass of life” sa product development at climate change mitigation.

Sinabi pa niya na ilan sa mga produktong maaaring gawin mula sa kawayan ay ang canned rabong, rabong dried and chips, gawing kubo, plywood, at marami pang ibang pakinabang nito.

Sa ngayon ay nakatakda namang magkaroon ng virtual training ang nasabing tanggapan katuwang ang Cagayan State University kaugnay sa bamboo plantation and production.

Magugunitang, sinabi ng Kagawaran ng Agrikultura na isa ang kawayan sa itinuturing na high value crop dahil sa dami ng produkto at pakinabang na maaaring makuha mula rito.