Ipinasa na sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na naglalayong palawigin ang termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials.
Sa pangunguna ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay umusad sa Kamara ang pagpapalawig sa termino ng nabanggit na mga halal na opisyal ng barangay mula sa kasalukuyang tatlong taon nagagawing anim na taon.
Ang House Bill (HB) 11287 ay naglalayong hindi lamang palawigin ang termino ng mga barangay at SK officials kundi pahintulutan ang mga ito na makatakbo ng dalawang termino at isang termino lamang.
Nakapaloob din sa panukala na magkaroon ng palaging sabay na Barangay at SK elections tuwing ika-anim na taon tuwing ikalawang Lunes ng buwan ng Mayo simula sa 2029.
Pinapayagan din sa ilalim ng HB 11287 na ang incumbent barangay at SK officials na nahalal noong October 2023 ay manatili sa pwesto hanggang sa susunod na eleksyon sa May 2029 hangga’t hindi napapatalsik o nasususpinde.
Kasama ni Romualdez na may-akda ng HB 11287 sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos at co-authors naman sina Reps. Ma Victoria Co-Pilar (6th District, Quezon City) at Arnan Panaligan (1st District, Oriental Mindoro) na siyang nag-sponsor sa plenaryo.