
Inakusahan ng China ang Pilipinas ng paglabag sa international law at nagbanta ng kaukulang hakbang upang protektahan ang soberanya ng kanilang bansa matapos ihayag ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang planong pagpapalit ng pangalan ng ilang features sa West Philippine Sea.
Ayon sa China, inaangkin nito ang halos buong South China Sea, kahit pa may desisyon ang isang international tribunal na nagsasabing walang legal na batayan ang naturang pag-angkin.
Sa ilalim ng executive order ni Marcos nitong Martes, papalitan ng Pilipinas ang pangalan ng mahigit 100 bahura, isla, at atoll sa Spratly Islands — isang lugar na madalas pinagmumulan ng tensyon sa pagitan ng mga barko ng Pilipinas at China.
Sa isang press briefing, sinabi ni Mao Ning na ang hakbang ng Pilipinas ay lumalabag sa soberanya ng China at sa UN Charter pati na rin sa iba pang international laws.
Dagdag pa niya, mariing tinututulan ng China ang aksyon ng Pilipinas at handa itong magsagawa ng mga kinakailangang hakbang upang ipagtanggol ang kanilang territorial at maritime rights sa nasabing karagatan.
Bukod sa Pilipinas at China, may kanya-kanyang pag-angkin din sa bahagi ng South China Sea ang Brunei, Malaysia, Taiwan, at Vietnam, lalo na sa Spratly Islands na pinaniniwalaang mayaman sa langis at natural gas.










