Patuloy ang isinasagawang pag-aaral ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pagpaparami ng isang uri ng seaweed na tinatawag na ‘Gamet’ (pyropia acanthophora) na matatagpuan sa bayan ng Sta Praxedes, Cagayan.

Sa isinagawang 11th Gamet Festival sa Sta. Praxedes, sinabi ni Irma Ortiz, consultant ng National Seaweed Development Program ng BFAR Central Office na tumataas ang demand sa Gamet kung kaya patuloy sa pagtuklas ang ahensiya ng mga paraan sa pagpapatubo nito.

Sa katunayan, ilalagay sa mga susunod na araw sa marine water ang mga nakuhang sample specimen ng gamet sa bayan ng Claveria upang masubukan kung tutubo ang mga ito.

Bukod sa Pilipinas ay malaki rin ang pangangailangan ng ‘gamet’ sa ibang bansa dahil sa taglay nitong mataas na porsyento ng protina, iodine, bitamina A, B, at C at pinaniniwalaang anti-cancer din ito.

Ito ay saganang tumutubo sa ‘intertidal zone’ na may malalaki at matutulis na bato sa dalampasigan na tinatamaan ng malalaking alon kung saan tumutubo ang gamet, tuwing taglamig at may malakas na hangin.

-- ADVERTISEMENT --

Bagamat delikado ang pagkuha ng gamet, nakapagbibigay din ito ng dagdag na kita bukod sa pangingisda.

Bukod sa pananaliksik at pagpapaunlad ng gamet, hinimok rin ng BFAR ang mga lokal na pamahalaan sa Norte na magpasa ng ordinansa kaugnay sa proteksiyon nito.

Ayon kay Ortiz na posibleng maubos ang naturang uri ng seaweed sa isitilo ng pag-harvest na ini-scrap, sa halip na ginugunting upang muling tumubo.

Inihayag naman ni Sta Praxedes Mayor Esterlina Aguinaldo na itinuturing bilang black gold ang gamet dahil sa itim na kulay nito kapag natuyo na tinatayang nasa P3,000 kada kilo.

Mula sa pangkaraniwang gamet salad ay maari din itong gawing chips, soup, lumpia, omelet, empanada at marami pang iba na siyang tampok na luto sa taunang Gamet festival.