TUGUEGARAO CITY- Pinangunahan nina DENR Secretary Roy Cimatu, DPWH Secretary Mark Villar, DOLE Secretary Silvestre Bello III at DOTr Secretary Arthur Tugade ang pagpapasinaya sa Cagayan River Rehabilitation Project o dredging sa bayan ng Lal-lo.
Ang nasabing proyekto ay sa ilalim ng Build Back Better program na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Executive Order 120.
Pinangunahan ni Villar ang ceremonial dredging samantalang si Cimatu naman ang nanguna sa pagtatanim ng kawayan.
Nangako naman si Bello ng P20M habang P10M naman mula kay Tugade para sa mga OFWs kapalit ng kanilang pagtatanim ng mga kawayan.
Sa naging mensahe naman ni Cimatu, sinabi niya na ang prayoridad sa proyekto ay ang dredging sa sandbars sa Brgy. Bangag, La-lo at Barangays Casicallan at Dummon sa Gattaran.
Ito ay dahil sa pinipigilan umano ng mga sandbars ang pagdaloy ng tubig-baha patungo sa Aparri Delta.
Sinabi ni Cimatu na layunin nito na mabawasan ang mga nararanasang matinding pagbaha sa Cagayan at mga karatig lalawigan tulad ng naranasan nitong mega flood nitong nakalipas na taon.
Sinabi pa ni Cimatu na nakalatag na rin ang medium at long term solutions sa mga pagbaha sa Cagayan Valley.
Ayon sa kalihim ito ay sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagtatanim ng mga kawayan at iba pang mga punong-kahoy river banks na tiyak din na lilikha ng mga trabaho sa mga mamamayan ng Cagayan lalo na sa bamboo production.