Isasama na ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang optometric services at prescription glasses sa listahan ng kanilang coverage sa susunod na buwan.

Sinabi ito ni PhilHealth executive vice president Eli Dino Santos sa pinakahuling pagdinig ng Senado nang matanong siya ni Senator Christopher Go kung posible na magbigay sila ng libreng salamin upang mapigilan ang paglaganap ng problema sa mata sa mga bata.

Ayon kay Santos, kasama na sa kanilang commitment at timeline ang pagsama sa prescription glasses sa kanilang Philhealth packages.

Sa statement naman ng Integrated Philippine Association of Optometrists (IPAO), pinupuri nila ang pagsusulong ng Senado na maisama ang eye care sa coverage ng Philhealth.

Isiniwalat ng IPAO na kalahati ng populasyon ng mundo ay magiging myopic o near-sighted sa taong 2050 base sa isang pag-aaral noong 2019.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni IPAO chairman Dr. Charlie Ho, ang preventive eye care at ang pagkakasama ng optometric services at presciption glasses sa coverage ng Philhealth ay mahalaga upang maaga na matukoy ang eye at vision problems sa mga bata.

Ayon pa kay Ho, maraming eye issues, kabilang ang pagkabulag, ay maiiwasan kung may maagang intervention, subalit marami sa mga Filipinos ang walang access sa primary eye care mula sa optometrists.