
Tinatapos na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang pagproseso sa libu-libong aplikasyon para sa accident insurance ng mga magsasaka sa pamamagitan ng Philippine Crop Insurance Corporation.
Ito’y alinsunod sa direktiba ni Gobernador Aglipay na palakasin ang proteksyon para sa sektor ng agrikultura, na siyang nagpapatatag sa ekonomiya ng probinsiya.
Saklaw ng insurance ang ibat ibang uri ng magsasaka at mangingisda, at iba pang manggagawang kabilang sa sektor ng agrikultura.
Sa ilalim ng programa, makatatanggap ang pamilya ng insured na magsasaka ng limampung libong piso bilang pangunahing benepisyo sakaling pumanaw ang benepisaryo, at karagdagang dalawang libong piso para sa gastusin sa libing.
Patuloy ang pagtutulungan ng mga ahensya para masigurong lahat ng kwalipikadong magsasaka ay makakasali sa programang ito.










