TUGUEGARAO CITY- Hindi pabor si dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Atty. Egon Cayosa sa pagpapataw ng parusa laban sa mga indibidwal na magkokomento sa State of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ng isang opisyal at kawani ng pamahalaan.
Ayon kay Atty. Cayosa, nakakalungkot at hindi inaasahan na mismong ang Office of the Ombudsman ang nagrerekomenda ng paglalagay ng restrictions at parusa sa mga magkokomento dito.
Punto niya ang SALN ay public document na malayang tignan ng kahit sino at ito ay isang requirement ng lahat ng kawani ng pamahalaan at may malaking tulong laban sa korapsyon.
Kalakip aniya nito ang pagkakaroon ng accountability at transparency alinsunod sa mandato ng konstitusyon upang mabantayan ng estado ang isang opisyal ng pamahalaan laban sa iligal at biglaang pagyaman.
Dito aniya nakasaad ang mga ari-arian at iba pang yaman ng isang kawani ng pamahalaan na magiging basehan kung sakaling dapat itong kuwestyonin o panagutin.
Saad niya, karapatan ng taong bayan na malaman ang katotohanan at magkomento alinsunod sa ‘freedom of expression’.
Punto niya, isa sa pangunahing problema ng pamahalaan sa bansa ay ang korapsyon at sakaling maisabatas ang naturang panukala ay matutuwa ang lahat ng mga kawani na gumagawa ng katiwalian dahil magkakaroon sila ng pagkakataon na maitago ang katotohanan.
Samantala, ikinatuwa din ni Atty. Cayosa ang ginagawang iimbestigasyon ng Department of Justice sa kaso ng war on drugs sa bansa.
Ito ay matapos na lumabas sa pagsisiyasat na walang sapat na ebidensyang magpapatunay na nanlaban ang mga taong biktima ng extra judicial killing.
Sinabi nito na magandang development ang resulta ng imbestigasyon upang mapanagot ang mga nasalikod ng pagpatay at nang-abuso sa kanilang kapangyarihan sa war on drugs.
Umaasa si Atty. Cayosa na madaragdagan pa ang 52 cases na kinasasangkutan ng 150 na mga pulis na inumpisahan ng imbestigahan ng ahensya.
Punto niya, sa ganitong hakbang ay mabibigyang linaw ang pangalan ng mga sangkot sa kaso ng war on drugs sa bansa na walang kasalanan at kung guilty ay dapat na maharap sa kaukulang parusa.
Maalalang marami sa mga opisyal ng gobyerno, pulis at maging si pangulong Rodrigo Duterte ay iniimbistigahan ng International Criminal Court dahil sa kaso ng pagpatay na may kaugnayan sa war on drugs.