TUGUEGARAO CITY-Mariing tinututulan ng mga residente ng Barangay Buntun, Tuguegarao City ang plano ng DITO telecommunication company na magpatayo ng cellular tower para mapalakas ang signal ng internet na magagamit sa virtual meeting at online class ng mga mag-aaral ngayong panahon ng pandemic.
Ayon kay Lanie Javier residente ng zone 2 ng nasabing barangay, hindi sila tutol sa proyekto dahil makakatulong ito sa mga mag-aaral ngunit nararapat na ikonsidera ang lokasyon na malayo sa kabahayan dahil maaari umanong makasira sa kanilang kalusugan dahil sa radiation ng tower.
Aniya,bakod lamang ang pagitan ng kanilang bahay sa ipapatayong proyekto kung kaya’t nangangamba rin sila sa kanilang buhay lalo na kung may tatamang bagyo at lindol sa lungsod.
Sinabi ni Javier na una na rin silang nagkaroon ng pagpupulong kasama ang ibang apektadong residente kung saan nagkakaisa sila sa pagtutol sa ipapatayong pasilidad.
Ipinaliwanag naman ni Barangay captain Simeon Dassun ng Buntun na kanilang binigyan ang kumpanya ng barangay clearance alinsunod sa natanggap na kautusan mula sa Department of the Interior and local Government na huwag antalahin ang pagpapatayo ng cell site bilang tugon sa kautusan ni pangulong Rodrigo Duterte na ayusin ang mga telcos ang kanilang internet services.
Ngunit, maging si Dassun ay may agam-agam din sa ipapatayong pasilidad kung kaya’t pinayuhan niya umano ang mga ito na kung maaari ay maghanap ng ibang lokasyon na malayo sa kabahayan.
Aniya, bagamat may sertipikasyon ang kumpanya na inisyo ng Department of Health, hindi pa rin maalis ang pangamba lalo na ng kanyang mga residente sa kanilang kalusugan.
Kaugnay nito, umaaasa si Dassun na ikonsidera ang kanilang kahilingan dahil nasa 30 pamilya ang labis na maaapektuhan sa ipapatayong cellsite.