Inumpisahan na Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 at ang municipal local government unit ng Dupax del Sur, Nueva Vizcaya ang pagpapatayo ng onion cold storage na nagkakahalaga ng P40 million.
Ang nasabing cold storage na pangatlo na sa nasabing lalawigan ay may kapasidad na 20,000 bag na pakikinabangan ng mga nagtatanim ng sibuyas ng Dupax del Sur.
Mismong si DA Assistant Secretary for Logistics Daniel Alfonso Atayde ang dumalo sa aktibidad.
Ayon kay Atayde, ang proyekto ay kumakatawan hindi lamang sa layunin ng ahensiya na makamit ang isang proyekto ngunit ang kagustuhan na makapagbigay ng logistics para sa pagiging produktibo sa ani ng mga magsasaka.
Aniya, sa pamamagitan ng pamumuno ni DA Sec. Francisco P. Tiu Laurel Jr., patuloy na magbibigay ng tulong ang ahensiya partikular sa marketing at pagproseso ng mga sibuyas at iba pang mga kalakal na sumusuporta sa isang maaasahang food supply chain.
Binati naman ni Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino ang munisipalidad ng Dupax del Sur sa pagtanggap sa proyektong makikinabang sa mga asosasyon ng mga nagtatanim ng sibuyas sa Sta. Maria, Gabut at Mangayang.
Binanggit ni Aquino na interesado ngayon ang mga magsasaka na magtanim ng sibuyas hindi lamang ng palay, mais at gulay para sa mas mataas na kita.