Tuguegarao City- Nagsagawa ng public consultation ang LGU Alcala kaugnay sa maigting na pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) sa kanilang bayan.
Sa panayam kay Atty. Tin Antonio, alkalde sa naturang bayan, kabilang sa mga ipinatutupad ngayon ay ang monitoring sa mga lumalabas at pumapasok na mga sasakyan at indibidwal sa kanilang bayan.
Aniya, kailangang siguruhin pa rin ang kaligtasan ng publiko kagit na nasa ilalim na ng GCQ ang lambak ng Cagayan.
Kabilang pa aniya sa mga ipinatutupad ay ang implimentasyon ng curfew hours kung saan ay magsisimula ito ng alas 10 ng gabi hanggang alas 4 ng umaga.
Sinabi pa ng alkalde na kailangan din icontrol ang pamamasada ng mga tricycle sa lugar sa pamamagitan ng limitadong pasahero lamang kaya’t bahagi nito ay pansamantalang pagtaas ng pamasahe sa lugar.
Muli pang iginiit ni Atty. Antonio na mahigpit ding ipinatutupad ang social distancing upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Samantala, inihayag pa nito na imomonitor pa rin ng LGU Alcala ang mga residenteng magsisiuwian mula sa ibang lugar upang agad na makagawa ng hakbang ang kanilang hanay sakaling may mga makitaan ng sintomas ng sakit.
Umapela pa ito sa publiko na sumunod sa mga panuntunang ipinatutupad upang makaiwas sa banta ng sakit na dulot ng COVID-19.