Tuguegarao City- Tiniyak ng LGU Enrile ang mahigpit na pagpapatupad ng mga panuntunan upang labanan ang banta ng local transmission ng COVID-19 sa nasabing bayan.
Sa panayam kay Mayor Miguel Decena ng Enrile, kasabay ng implimentasyon ng MECQ sa kanilang bayan ay inalerto na nito ang mga otoridad upang magbantay.
Kabilang sa mga inilatag na alituntunin ang Liquor ban, curfew hours mula 8pm-5am, pagsasara ng mga non-essential business establishments at hindi rin papayagan ang public transportation.
Ayon sa alkalde, imomonitor din sa mga inilatag na checkpoint ang mga dumadaan at magtutungo sa Enrile kung saan ay hahanapan sila ng medical certificate at travel pass.
Binabantayan din aniya ang mga dumarating na LSI upang matiyak na maisailalim sila sa tamang proceso bilang pag-iingat sa virus.
Bukod sa isinailalim sa MECQ ang buong bayan ng Enrile ay ipinatupad din ang zonal containment strategy sa mga barangay na pinagmulan at naapektohan ng local transmission.
Kabilang dito ay ang mga Brgy. ng Villa Maria, Barangay 2, Barangay 4, Brgy. San Jose, Brgy. San Roque, Zone 5 Brgy. Alibago at Bagong Sikat, Brgy Liwan Norte.
Kasama pa dito ang Brgy. Zone 4, Maddarulug Sur, Zone 1 ng Magalalag East at Magalalag West at maging ang Zone 4 ng Brgy. Inga.
Ayon sa alkalde na sa ngayon ay 35 na ang active cases ng COVID-19 sa Enrile kung saan 20 ang recovered at isa ang nasawi.
Patuloy naman ang ginagawang contact tracing para matukoy ang mga posibleng nakasalamuha ng mga pasyenteng nagpositibo sa sakit.
Nag-umpisa kaninang 12:00 ng madaling araw ang implimentasyon ng MECQ sa bayan ng Enrile na magtatagal ng hanggang ika-21 ngayong buwan ng Oktubre.