Tuguegarao City- Lalong naging mahigpit ang pagpapatupad ng mga otoridad ng mga panuntunan sa pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa Cagayan ngayong paparating na holiday season.

Ito ay alinsunod sa inilabas na Executive Order ni Cagayan Governor Manuel Mamba upang masigurong hindi na lumala ang kaso ng ASF sa probinsya.

Sinabi ng gobernador na ito rin ang rekomendasyon ng Provincial Veterinary Office, National Meat Inspection Service at ng Department of Agriculture.

Ayon kay Gov. Mamba, mahalagang mabantayan ang entry and exit point ng bawat bayan sa Cagayan upang mamonitor ang pagpasok ng mga pork and meat products.

Paliwanag niya, mahalagang macontain ang pagkalat ng sakit ng mga baboy upang matiyak na hindi maapektohan ang supply sa probinsya.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang culling procedure sa mga alagang apektado ng virus kung saan ay umaabot na rin aniya sa mahigit 1,600 na baboy ang naisailalim sa culling operation.

Nabatid na siyam na bayan ngayon ang apektado ng ASF sa Cagayan kabilang na ang Alcala, Amulung, Baggao, Enrile, Iguig, Gonzaga, Piat, Solana at Tuao.

Tiniyak naman ng gobernador ang tulong pinansyal para sa mga apektadong nag-aalaga ng baboy.

Ayon sa kanya, P3,000 ang ibinibigay ng provincial government sa mga hog raisers na naapektohan at hanggang tatlong baboy ang maximum na babayaran ng kanilang tanggapan.