Tinututukan ngayon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) region 2 ang mga hakbang na ilalatag upang matulungan ang mga mangingisda sa lambak ng Cagayan sa pagpapa-unlad sa produksion ng asin.
Ito ay bilang bahagi ng pag-arangkada ng OPLAN Asin o Development of Salt Industry sa buong bansa upang matugunan ang kakulangan sa supply ng asin na isa ngayon sa nagiging pangunahing usapin.
Ayon kay Arlene Tacuycuy, training officer ng ahensya, 2022 pa ng ilunsad ng BFAR ang OPLAN Asin program ngunit inuna muna ng ahensya na tutukan ang mga rehiyon na may potensyal na sa pag-po-produce at nagsusupply na ng asin sa bansa tulad ng Region 1, 3, 4, 6, at 9.
Inaasahan aniya na sa susunod na taon ay isusunod na rin ang pagtukoy sa mga potensyal na lugar sa iba pang mga rehiyon tulad ng sa region 2 at sa oras na umpisahan na ito ng ahensya ay kabilang sa pangunahing mga lugar na matutukoy na tututok sa salt production ay ang mga coastal areas sa Batanes, Isabela at maging sa Cagayan.
Sa Cagayan aniya ay maaaring tutukan ng ahensya ang pagtuturo sa mga mangingisda mula sa Calayan Claveria, ballesteros at iba pang lugar sa downstream na may potensyal at kapasidad sa produksyon ng asin.
Inihayag niya na ang bayan ng Calayan, Ballesteros at Pamplona ay dati na umanong gumagawa ng asin sa pamamagitan ng magkakaibang proseso kung saan kabilang dito ang Solar Salt Making na ginagawa sa Calayan at Cooking Salt Making naman sa Ballesteros at Pamplona.
Bagamat nakakapag-produce na sila dati ng asin ay umaabot lamang ito sa kanilang mga Market at hindi na ito nakakalabas sa iba pang mga bayan sa probinsya kayat nais ng BFAR Region 2 na tutukan muli ang pagpapalago rito matapos naman nilang itigil ang paggawa ng asin.
Bukod dito, sinabi ni Tacuycuy na marami rin sa mga LGUs ang nagpahayag ng pagnanais na makibahagi sa programa ng BFAR Region 2 upang maturuan ng kaalaman ang kanilang mga mangingisda at magkaroon ng iba pang pagkakakitaan bukod sa pangingisda.