TUGUEGARAO CITY-Inihain ng Gabriela party-list ang house bill 476 na naglalayong i-repeal o ipawalang bisa ang Rice Tariffication Law na umano’y mas lalong nagpapahirap sa mga magsasaka.
Ayon kay Congresswoman Arlene Brosas ng Gabriela Party-list, malaki ang naging epekto ng Rice Tariffiction Law sa mga magsasaka lalo na sa produksyon ng palay.
Aniya, sakabila ng pagdating ng mga imported rice sa bansa ay hindi naman bumababa ang presyo ng bigas sa merkado gayong pumalo na sa P7 hanggang P8 ang pagbili sa kada kilo ng palay.
Sinabi ni Brosas na hirap na ang mga magsasaka sa dating sistema sa kanilang pagsasaka at pagbili sakanilang ani kung kaya’t mas mahirap na ngayon dahil sa Rice Tariffication Law.
Dahil dito, panawagan ni Brosas na pansamantalang itigil ang pag-import ng bigas kahit ngayong paparating na anihan at suportahan ang nasabing house bill para matulungan ang mga magsasaka.
Samantala, nanawagan si Brosas sa gobyerno na bigyan ng supplemental budget ang National Food Authority para sa mga magsasaka.
Aniya, marapat lamang na tulungan ang mga magsasaka dahil sila ang nagbibigay ng pagkain sa atin.
Ikinabahala rin umano ng ilang kongresista na nakausap ni Brosas na sa mga susunod na taon ay napatayuan na ng subdivision o anumang establishimento ang mga palayan kung kaya’t dapat lamang na ipawalang bisa ang Rice Tariffication Law.