Sunud-sunod ang pagpasok ng development matapos na maideklara bilang insurgency free ang bayan ng Rizal, Cagayan. Sinabi ni Mayor Joel Ruma ng Rizal na kinagigiliwan na ang dating kinatatakutang bayan dahil sa presensiya ng insurhensiya.

Ayon kay Ruma na tumataas ang bilang ng mga turista na namamasyal sa kanilang eco-tourism park, lumang simbahan at ang blue lagoon na pangunahing binibisita ng mga local at foreign tourists.

Dagdag pa ni Ruma na isang investor ang nakatakdang magpatayo ng mini-mall para hindi na kailangan pang bumiyahe ang mga mamamayan papunta sa lungsod ng Tuguegarao at iba pang karatig na munisipalidad para bumili ng kanilang pangangailangan.

Resulta aniya ito ng pagsisikap ng LGU Rizal para maiangat ang pamumuhay ng bawat mamamayan kung kayat tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng mga proyekto na makakatulong na maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga mamamayan.

Binigyang diin ng alkalde na tuloy-tuloy ang road development projects para mai-konekta ang mga barangay sa mga national roads at sa mga karatig na munisipalidad, livelihood projects sa mga mamamayan at ang pagpapatayo ng mga post-harvest facilities para hindi masira ang mga inaning produkto ng mga magsasaka gaya ng mais at palay kung mayroong kalamidad.

-- ADVERTISEMENT --

Tinutulungan din ng lokal na pamahalaan ang mga magsasaka na maibenta ang kanilang mga produkto gaya ng mga prutas sa pamamagitan ng pag-organize sa mga ito bilang isang kooperatiba para mas mabilis na mai-konekta ang mga ito sa mga malalaking negosyante sa kalakhang Maynila.

At para matiyak na hindi na mahikayat ang mga mamamayan na muling umanib sa mga makakaliwang grupo o New Peoples Army (NPA) tuloy-tuloy ang ginagawang symposium sa mga paaralan at barangay sa pamamagitan ng hanay ng kapulisan at kasundaluhan kasabay ng pamamahagi ng tulong sa mga nangangailangan.

Ayon pa kay Ruma na kabilang sa prayoridad ng kaniyang administrasyon ang pagpapaganda sa sektor ng turismo para mahikayat ang mga turista na bumisita sa kanilang munisipalidad.

Inihayag naman ni Vice Mayor Brenda Ruma na ito ang kagandahan na maayos ang relasyon ng executive at legislative branch para mas mabilis na maisulong ang mga programa at proyekto na makapagbibigay ng kaginhawaan sa buhay ng mga mamamayan.

Umaasa ang alkalde na muli silang suportahan ng mga mamamayan ng Rizal para magtuloy-tuloy ang mga proyektong nasimulan para sa inaasam na pag-unlad ng naturang munisipalidad.

Nitong huling araw ng filing ng certificate of candidacy o coc ay naghain ng kaniyang kandidatura para sa muling pagtakbo bilang alkalde ni Mayor Joel Ruma habang muling sasabak sa pagka-bise alkalde ang kaniyang maybahay na si Atty. Brenda Ruma.

Ka-line up nila sa pagka-Sanguniang Bayan sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition sina Irineo Aday, Roberto Talay, Luciano Talang, Cris Cauilan, Gilroy Gannaban, Judalyn Favor, Esteban Macuring at Eleanor “Keneth” Canapi.

Samantala, inihayag naman ni Election Officer Ma. Mercedes Urian na tahimik ang bayan ng Rizal at wala silang ikinokonsiderang election hotspot hanggang sa kasalukuyan.

Gayunpaman, patuloy ang monitoring ng mga otoridad para sa mga kaukulang hakbang para sa seguridad ng bawat isa sa darating na midterm elections.