Tuguegarao City- Ipinagpaliban muna ng Metropolitan Tuguegarao Water District (MTWD) ang pagpapataw ng multa sa mga late payers mula Marso hanggang Agosto 31 ngayong taon dahil sa epekto ng krisis dulot ng COVID-19.

Sa panayam kay Engr. Miller Tanguilan, General Manager ng MTWD, maaaring bayaran ng mga kliyente ang kanilang mga bills ng installment.

Ayon sa kanya ay kailangan lamang na maging responsible at huwag kaligtaan ang pagbabayad upang hindi maipon ang kanilang bayarin sa tubig.

Bagamat limitado ang bilang mga pinapayagang magsadya sa kanilang tanggapan ay hinikayat nito ang publiko na gumamit ng ibang mga payment scheme tulad ng online.

Kaugnay nito ay sinabi niya na pinag-aaralan na rin nila ang pagdaragdag ng mga payment partners upang mapadali ang proceso ng pagbabayad ng mga kliyente.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Engr. Tanguilan na ilang mga opisyal ng barangay din ang nakikipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang maningil kaya’t may mga personnel naman na itinalaga para sa nasabing hakbang.

Samantala, inihayag pa nito na mula sa dating above 90% na collection ng kanilang tanggapan ay bumaba na ito ngayon mula ng isailalim sa community quarantine ang bansa dulot ng COVID-19.

Hinikayat naman nito ang publiko na magtipid sa paggamit ng tubig upang mapanatili ang katamtamang lebel na dapat magamit lalo na ngayong nahaharap ang lahay sa krisis.