TUGUEGARAO CITY-Hihintayin na lamang ang pag-apruba ng konseho ng Tuguegarao sa naging proposal ng committee of transportation ng lungsod na kailangan ay pinturahan ng puti ang lahat ng mga private tricycle.
Ayon kay Vince Blancad, head ng Public Safety and Security Office (PSSO) ito ang kanilang napag-usapan sa isinagawang pagpupulong kung saan layon nitong kaagad na malaman ng isang traffic enforcer na private ang tricycle.
Aniya, batay sa kanilang monitoring may mga ibang private tricycle owner ang ginagawang pampasada ang tricycle lalo na noong panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sinabi ni Blancad na unfair o hindi ito makatarungan para sa mga pampasaherong tricycle dahil nagbabayad naman sila ng kanilang prangkisa at naaagaw din ang kanilang mga pasahero sana.
Kung sakali na ito’y aprubahan, sinabi ni Blancad na bibigyan ng 60 araw ang mga may-ari ng mga private tricycle na pinturahan ito ng puti.
Hindi rin papayagan ang mga private tricycle na magmumula sa ibang bayan na makapasok sa lungsod kung hindi ito kulay puti.
Samantala, muling sasailalim sa pagsusulit may patungkol sa mga umiiral na batas trapiko sa lungsod ang mga hindi nakapasa nitong nakaraang linggo.
Sinabi ni Blancad na mula sa 62 na nag-exam ay 20 ang hindi nakapasa.
Kailangan aniya na alam ng bawat traffic enforcer ang kanilang ipinapatupad na batas para hindi magkaroon ng problema sa pagitan ng mga motorista ukol sa batas trapiko.
Bukod dito, magsasagawa rin ang PSSO ng orientation sa 93 miembro nito para mabigyang linaw muli ang kanilang mga tauhan ukol sa mga ipinapatupad na batas sa lansangan.