Tuguegarao City- Agaw-pansin ngayon ang isang bagong pintang mural na matatagpuan sa Brgy. Balzain East, Tuguegarao City bilang pasasalamat sa sakripisyo ng mga frontliners ngayong pandemya.
Ang obra ay sumasalamin sa mga frontliners sa ibat-ibang propesyon at mga paalala sa publiko sa pagsusuot ng facemask na proyekto ng Sangguniang Kabataan at ipininta ng magkapatid na sina Enrico at Benedict Lamadrid sa pader na pag-aari ng barangay.
Bukod sa pagpapaganda ng komunidad sa pamamagitan ng mga artworks, sinabi ni SK Chairman Nico Bueno na ito rin ay upang pasalamatan ang mga frontliners sa lungsod sa kanilang sakripisyo at walang kapagurang serbisyo sa patuloy na hamon ng pandemya, matiyak lamang ang kaligtasan ng bawat-isa.
Magsisilbi rin itong paalala sa mga taong dumadaan sa lugar, kaugnay sa pagsusuot ng facemask.
Ayon kay Bueno, umabot na sa mahigit P30,000 ang kanilang ginastos sa naturang obra at plano pa nilang dagdagan sa susunod.
Samantala, sinabi ni Bueno na sisimulan uli nila ang pagtatayo ng community pantry sa kanilang lugar sa buwan ng Hunyo habang nakalinya na rin ang kanilang scholarship program para sa mga kabataan.