TUGUEGARAO CITY-Sinimulan na kahapon, Mayo 24, 2021 ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang pagsailalim ng rapid antigen test sa lahat ng mga pasyente kasama ang kanilang bantay na dinadala sa naturang pagamutan.
Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, ito ay para matiyak na negatibo sa covid-19 ang lahat ng mga pinapapasok sa regular emergency room at matiyak na hindi magkaroon ng hawaan ng virus.
Aniya, naglagay sila ng booth swab sa harapan ng emergency room para doon isailalim sa rapid antigen test ang mga dadalhing pasyente kasama na ang kanilang bantay.
Sinabi ni Baggao na ipinatupad ang naturang hakbang para hindi na muling maulit ang kanilang naging karanasan na isang pasyente ang nagpositibo sa virus matapos ang isinagawang operasyon kung saan nagkaroon na ng hawaan sa ibang pasyente at sa mga healthcare workers.
Dahil dito, kailangan nilang maging mahigpit at mag-ingat para maproteksyunan ang ibang pasyente kasama na ang mga medical frontliners laban sa nakamamatay na virus.
Kaugnay nito, sinabi ni Baggao na agad namang dadalhin sa covid ward ang mga pasyenteng magpopositibo sa rapid antigen test para doon mamonitor ang kanilang kalagayan.
Samantala, muli nang tumanggap ng specimen ang CVMC matapos ang limang araw na pagsasagawa ng periodic maintenance sa mga RT-PCR machine maging sa building nito.
Mahigit 600 specimen ang tinanggap ng naturang pagamutan, kahapon na inaasahang ilalabas ang resulta sa mga susunod na araw.
Naniniwala naman si Dr.Baggao na malaking tulong ang pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) para mapababa ang bilang ng mga naitatalang nagpopositibo sa virus.
Sa ngayon, sinabi ng duktor na nasa 72 ang aktibong kaso ng virus ang kanilang binabantayan na mula sa probinsya ng Cagayan kung saan 42 rito ay mula sa Tuguegarao City.