TUGUEGARAO CITY-Pag-aaralan pa ng Local Government Unit(LGU)-Tuguegarao kung isasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang lungsod matapos makapagtala ng 135 na active cases ng Coronavirus disease 2019(Covid-19).
Ayon kay Mayor Jefferson Soriano ng Tuguegarao City, kailangan nilang balansehin ang sitwasyon dahil mas lalong mahihirapan ang mga residente lalo na ang mga nasalanta ng pagbaha nitong nakalipas na araw kung isasailalim sa MECQ ang lungsod.
Ngunit, sinabi ng alkalde na kung hindi makokontrol ang pagtaas ng bilang ng mga magpopositibo sa virus ay mapipilitan siyang isailalim sa MECQ lungsod.
Patuloy naman ang ginagawang contact tracing ng mga kinauukulan kung saan nadagdagan ang mga contact tracers na mula 26 ay nasa 115 ngayon na unang ipinadala ng Department Of the Interior and Local Government (DILG) para mapadali ang pagtukoy sa mga posibleng nakasalamuha ng mga nagpositibo sa covid-19.
Sinabi ni Soriano na sa araw ng Lunes, Nobyembre 23, 2020 ay magsasagawa ng mass testing ang Department of Health (DOH) at City Health Office (CHO) sa 3500 katao kabilang na ang mga frontliners at mga residente na nasa evacuation center.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang pamamahagi ng LGU-Tuguegarao ng ayuda sa mga nasalanta ng malawakang pagbaha sa lungsod kung saan nanawagan siya sa mga residente na obserbahan pa ang social distancing at ang pagsusuot ng face mask.