Inihayag ni dating Vice President Leni Robredo na sinalubong niya si Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. sa Sorsogon City dahil sa respeto para rito.

Sa isang panayam, sinabi ni Robredo na hindi siya nagdalawang-isip nang hilingin sa kanya ni Senate President Francis ”Chiz” Escudero na salubungin ang Pangulo.

Ayon kay Robredo, hindi isyu ang kanyang ginawa dahil ito ay pagbibigay ng respeto sa posisyon.

Para sa kanya, tama ang kanyang ginawa dahil bisita si Marcos sa Bicol Region, sa kabila na hindi siya nagtagal dahil may kailangan umano siyang habulin.

Una rito, nagpahayag ng kagalakan si Marcos sa tila “political reconciliation” sa pagitan niya at ni Robredo.

-- ADVERTISEMENT --

Sa inagurasyon ng Sorsogon Sports Arena, nagkita sina Marcos at Robredo kung saan binati nila ang isa’t isa.

Magkaribal ang dalawa sa 2016 at 2022 national elections. RNT/SA