Nagpahayag ng buong suporta ang National Irrigation Administration (NIA) sa mga hinaing ng mga magsasaka sa lalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ng pagsasaayos at pagpapatayo ng mga pasilidad para sa irigasyon.
Kasunod ng pulong sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan at NIA, kasama ang mga alkalde sa lalawigan ay tiniyak ni NIA Administrator Engr. Eduardo Guillen na nakatuon ang ahensiya pagpapabuti ng sistema ng irigasyon at pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa lalawigan.
Nanawagan rin siya ng mas matibay na ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa mas maayos na pag-aksyon sa mga inilatag na problema sa agrikultura.
Kabilang na rito ang pagbaha, kakulangan sa Small Water Irrigation System, Water Pumping Station, rehabilitasyon ng mga lumang pasilidad, solar irrigation system, at mga proyektong sumusuporta sa mga magsasaka at mangingisda.
Iginiit naman ni Gov. Edgar Aglipay na mahalagang mabigyan ng solusyon ang problema sa sektor ng agrikultura na bahagi ng kanyang plano sa kanyang administrasyon upang maiangat ang kabuhayan ng mga magsasaka at mapalakas ang produksyon ng Cagayan.