Ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa Bureau of Animal Industry (BAI) na ayusin ang vaccination protocol nito para mapabuti ang pag- rollout ng Vietnam-developed African Swine Fever (ASF) vaccine.

Sinabi pa ng Kalihim na ang isinagawang blood tests ng BAI sa mahigit sa tatlong dosenang baboy sa Lobo, Batangas —ang ground zero ng pinakabagong ASF outbreak ay nagpapakita na ang mga baboy ay nakapag-develop ng sapat na antibodies para labanan ang ASF virus.

Sa ulat, ang DA ay paunang nagdala ng 10,000 dose ng AVAC live vaccines sa pamamagitan ng emergency procurement noong Agosto bilang bahagi ng mas pinalawak na plano para mamahagi ng 600,000 vaccine doses.

Layon ng vaccine rollout na alisin sa hog industry ang kinatatakutang animal disease na sumira sa local hog population simula pa noong unang outbreak noong 2019.

Sa kabilang dako, hindi naman lingid sa kaalaman ng Kalihim na may mga backyard hog raisers ang nag-aalala na makiisa sa ASF vaccine rollout dahil sa ilang negatibong publisidad at may ilang magsasaka ang nangangamba na ang kanilang baboy ay papatayin kapag lumabas sa resulta ng pagsusuri na ang kanilang baboy ay “infected.”

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, makikita sa pinakabagong BAI data ukol sa ASF infection na hanggang noong Oktubre 2, 2024, may 30 lalawigan sa 14 mula sa 17 rehiyon ang may aktibong kaso ng ASF.