Nagpapatuloy ang ginagawang pagsasanay sa mga kabataan sa lungsod ng Tuguegarao sa pamamagitan ng inilunsad na Tuguegarao Youth Volunteer Fire Emergencies Rescue Training (TugYV Ferst).
Sa panayam kay Gerald Valdez, Youth Program Coordinator, sinabi nito na nakapaloob sa aktibidad ang Awareness Training on First Aid at Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) para sa mga mag aaral ng Grade 5 at Grade 6, officers at mga guro mula sa mga primary schools sa lungsod.
Inaasahan naman aniya na masusundan pa ang ibinibigay na training sa mga kabataan sa oras na dumating ang mga karagdagang kagamitan na kakailanganin sa pagtuturo sa mga kabataan at tinatayang aabot sa limang araw ang kailangang ilaan para rito.
Sakali namang makumpleto nila ang araw ng kanilang training ay mabibigyan naman ng otorisasyon ang mga guro upang maituro ang training sa iba pang mga mag aaral.
Pinapangunahan naman ni Dr. Roderick Ramirez, Executive Consultant sa Disaster Risk Reduction Management ang mga nasabing aktibidad at sa bawat paaralan na kanilang pinuntahan ay target na mayroong 50 na kalahok na mula sa mga mag-aaral at mga guro.
Punto niya, malaking tulong din ang nasabing training upang maipamulat sa mga kabataan ang kahalagahan ng kaalaman sa pagresponde o pagtulong sa mga nangangailangan sa panahon ng aksidente o kalamidad.
Paalala ni Valdez na dapat isapuso ng mga mag aaral ang kanilang mga natutunan upang magamit sa oras na ito ay kailangan.