
Naghain si Senador Alan Peter Cayetano kahapon ng isang resolusyon na humihiling sa pamahalaan ng Pilipinas na hilingin sa International Criminal Court (ICC) ang pansamantalang pagpapalaya kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Iminungkahi ni Cayetano sa resolusyon na isailalim ang dating pangulo sa isang uri ng house arrest sa embahada ng Pilipinas sa The Netherlands habang hinihintay ang paglilitis.
Apat na buwan nang nasa kustodiya ng ICC si Duterte matapos siyang arestuhin ng Interpol noong March 11, 2025 pagbalik mula Hong Kong, base sa isang ICC arrest warrant dahil sa kasong crimes against humanity at agad dinala sa The Hague, Netherlands.
Nakasaad sa resolusyon na dapat payagan ang pansamantalang paglaya ng 80 taong gulang na si Duterte batay sa humanitarian grounds.
Ayon kay Cayetano, magiging mabuti para sa kalusugan ni Duterte kung pansamantala siyang palayain.
Isa sa mga mungkahi ng resolusyon ay ang makipag-ugnayan sa ICC upang ilipat si Duterte sa Philippine Embassy sa The Hague, Netherlands, at doon siya ilagay sa ilalim ng isang uri ng house arrest, modified house arrest, o anumang kaayusang angkop ayon sa desisyon ng korte.
Binanggit din sa resolusyon ang lumalalang kalusugan ni Duterte, na inuugnay sa kanyang katandaan at matagal na pag-iisa.
Babala nito, maaaring lubhang maapektuhan ang kanyang pisikal at emosyonal na kalagayan kung mananatili siya sa kulungan.