Tuguegarao City- Suportado ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang kahilingang isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang lungsod ng Tuguegarao bunsod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sinabi ni Mamba na ito ang magandang hakbang upang pababain ang kaso ng local at community transmission ng virus.
Ngunit, nilinaw niya na mas mainam sana kung masusunod ang 14 days na incubation period o mas mahaba pa upang matiyak na maiwasan ang transmission ng sakit.
Kaugnay nito, sinabi ni Mamba ang pangangailangan sa mahigpit na pagpapatupad ng mga panuntunan sa ilalim ng ECQ kung saan tanging mga essential business establishments ang magbubukas at mga frontliners lamang ang papayagang lumabas.
Tiniyak din ng gobernador na handa namang umasiste ang provincial government sa lungsod upang matulungan ang mga apektadong residente.
Sa katunayan aniya ay mayroon ng nakalaang 500 cavans na bigas na ibibigay sa lungsod upang matulungan ang mga residente sakaling paiiralin na ang ECQ.
Bukod pa rito, mamimigay din umano ang gobernador ng P50k na direktang ipapasakamay sa 31 Brgys. na apektado ng virus upang may magamit ang mga opisyal para sa maintenance ng mga Brgy. isolation facilities
Kaugnay nito, magpupulong ngayong araw na ito ang pamahalaang panlalawigan, LGU Tuguegarao at Regional Inter-Agency Task Force upang isapinal ang mungkahing isailalim sa ECQ ang Tuguegarao.
Una rito, hiniling ni Mayor Jefferson Soriano kay Mamba na isailalim sa ECQ ang Tuguegarao sa loob ng 10 araw simula bukas ng hatinggabi at kung sa nasabing panahon ay hindi pa bababa ang kaso ng virus ay palalawigin ito ng 5 days.