Ipinanukala ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno ang pagsasalin ng mga batas ng bansa sa Filipino, Bisaya, at Ilokano upang mas maging accessible ito sa mas maraming Pilipino.
Sa ilalim ng House Bill 3863 o Batas sa Sariling Wika Act, layunin ni Diokno na tugunan ang balakid sa komunikasyon at mapalapit ang batas sa mga ordinaryong mamamayan, lalo na yaong hindi bihasa sa Ingles.
Ayon kay Diokno, mahalagang maunawaan ng karaniwang Pilipino ang mga batas lalo na kung may kaakibat itong parusa.
Iginiit niyang hindi dapat kailanganin ng isang manggagawa o magulang na kumuha pa ng abogado o tagapagsalin para lang maintindihan ang kanilang mga karapatan at obligasyon.
Nakasaad sa panukala na dapat maisalin ang mga bagong batas sa loob ng 90 araw, habang ang mga umiiral na batas na may penal provision ay kailangang maisalin sa loob ng limang taon.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mangunguna sa pagsasalin, habang ang Presidential Communications Office (PCO) ang maglalathala at sisiguro sa online accessibility ng mga ito.
Kabilang din sa mga may-akda ng panukala sina Reps. Percival Cendaña, Dadah Kiram Ismula, at Arlene “Kaka” Bag-ao.