TUGUEGARAO CITY- Hindi bababa sa 20 pribadong paaralan sa Lambak ng Cagayan ang hindi makapagpapatuloy ng operasyon sa susunod na school year dahil sa wala o mababang enrollment dulot ng pandemya.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Anastacio Mabatan, Presidente ng Association of Private School Administrators in Basic Education of Region 02, Incorporated (APSABERI) dahil ito sa matinding tama ng mga lockdown at quarantine kontra COVID-19 sa financial capacity ng maraming magulang dahil sa pagsasara ng maraming trabaho.

Ayon kay Mabatan, karamihan sa mga private schools na magsasara ay mga kindergarten mula sa mission schools kung saan pito rito ay naidagdag sa lalawigan ng Cagayan na hindi na nagsumiti ng kanilang dokumento para mapagkalooban ng permit.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila nito, sinabi ni Mabatan na nakapagsumite na rin ang karamihan sa mga private schools sa rehiyon ng kanilang aplikasyon ng pagnanais na magsagawa ng face-to-face classes para sa Batch 2.

Susuriin naman ng Department of Education ang naturang mga aplikasyon sa Lunes, November 22 kung saan titignan kung makakapasa ang mga ito sa ‘School safety assesment tool’ na kondisyong itinalaga ng kagawaran at ng Department of Health.

Ayon kay Mabatan, kabilang sa mga kondisyong ito ay ang pagpayag ng Local Government Unit na magkaroon ng face to face classes sa kanilang lugar; kahandaan ng mga pasilidad sa paaralan para sa paghuhugas ng kamay at physicaldistancing; mga gamot; pagkakaroon ng isolation room; pagpayag ng magulang sa pagsali ng anak sa face to face classes at iba pang kailangan.

Umapela rin si Mabatan sa mga LGUs lalo na sa mga nasa low risk area na suportahan ang aplikasyon ng mga pribadong paaralan para sa unti-unting pagbubukas ng face-to-face classes.

Wala rin dapat ikabahala ang mga LGUs at mga stakeholders dahil dadaan naman ang kanilang aplikasyon sa masusing risk assesment at validation ng DEPED at DOH.

Tiniyak din niya na tanging mga guro na bakunado kontra COVID-19 ang maaaring magturo sa loob ng klase.

Dagdag pa ni Mabatan na hindi pipilitin ang mga magulang o guardian na makibahagi sa face-to-face classes ang mga batang estudyante.

Gayunman, handa pa rin ang karamihan sa mga pribadong paaralan sa blended learning.

Aniya, para sa Kindergarten ay 12 lamang ang papayagan na makapag-ral sa loob ng classroon, 16 sa Grades 1 hanggang 3 habang 20 naman ang maximum na estudyante para sa classroom session ng Grade 4 to Grade 12.