Nauwi sa engkuwentro ang pagsisilbi ng mga awtoridad ng arrest warrant sa isang bahay sa Barangay Fatima, General Santos City kagabi na nagresulta sa pagkasawi ng isang nasa loob ng bahay, at pagkakasugat ng isa pa.
Ayon sa pulisya, isisilbi nila ang search warrant para sa target nilang nahaharap sa kasong illegal possession of firearms.
Subalit habang nasa gate ang mga pulis, may nagpaputok na umano ng baril mula sa loob ng bahay na nagresulta ng sunod-sunod na putok ng baril.
Nasawi sa operasyon ang lalaking siya umanong namaril sa mga pulis, at isa pa ang nasugatan matapos tamaan ng tumalbog na bala.
Naaresto naman ang lalaking pakay ng arrest warrant.
Igiiit naman ng nadakip na suspek na hindi siya ang may baril kung hindi ang lalaking napatay ng mga pulis sa engkuwentro.
Nakuha ng mga awtoridad sa bahay ang isang caliber .40 pistol, mga bala, at 18 gramo ng hinihinalang shabu.