Matagumpay na inilunsad ang unang araw ng Provincial Trade Fair sa probinsya ng Cagayan bilang bahagi ng isang linggong pagdiriwang ng ika-439 pagdiriwang ng Aggao Nac Cagayan.

Ito ay nilahukan ng iba’t ibang mga Micro Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa probinsya kung saan ay makakabili ang publiko ng iba’t ibang mga produktong gawa at ipinagmamalaki ng probinsya.

Ayon kay Winston Singgon, Asst Regional Director ng DTI Region 2, ang mga produktong ibinebenta ngayon ng mga maliliit na negosyante sa probinsya ay nag-level up dahil sa patuloy na pagpapa-unlad ng mga ito sa kalidad ng kanilang mga paninda.

Inihayag niya na sa pamamagitan ng ibat ibang programa ng ahensya ay marami na silang mga natulungan na mga MSMEs upang mabigyan ng accreditation at mga certificate upang makapagbenta sa mga formal outlets tulad ng grocery stores, mall at iba pa.

Dagdag pa aniya rito ang mga nagawaran ng ibat ibang mga sertipikasyon tulad ng certificate of product registration, Halal certificate, Hazard Analysis Critical Control Point plan at iba pa upang makapag-benta ng kanilang mga produkto sa pilipinas at iba pang mga bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, inihayag naman ni Atty. Mabel Mamba, Chairperson ng Aggao Nac Cagayan na matagumpay ang unang araw ng pag-arangkada ng inilunsad na Night Market at Provincial Trade Fair sa probinsya.

Sinabi niya na ang nasabing mga aktibidad ay upang matulungang kumita ang mga maliliit na negosyante at mapaangat ang ekonomiya ng probinsya mula sa epekto ng pandemya kung saan ay walang anumang binabayaran ang mga negosyante sa kanilang mga puwesto.

Ang pagbubukas ng Night Market at Trade Fair ay bahagi aniya ng pagsusulong sa one town one product ng probinsya upang maipakilala ang mga produktong gawang Cagayan.

Inihayag niya na sa trade fair na inilunsad sa isang mall sa lungsod ng Tuguegarao ay makikita ang nasa higit 100 productong naka display habang mayroon namang 130 exhibitor ang nasa night market at inaasahang madaragdagan pa ito.

Bahagi pa ng Aggao Nac Cagayan ay magkakaroon din ng fashion show, talent competition, sports fest at ang pagdiriwang ng Linubian Festival na sasabayan ng Exotic food fest.

Tampok din sa isang Linggong pagdiriwang ay ang pagbibigay parangal sa mga nominado sa “Dangal ng Lahing Cagayano” kung saan ay sampu ang napili mula sa 50 kalahok.

Isasagawa rin sa mga susunod na araw ang pagkakaroon ng family day para sa mga kawani ng kapitolyo kung saan layon nitong bigyan ng oras ang lahat ng mga empleyado na makasama at mabigyan ng oras ang kanilang pamilya kahit na sila ay abala sa kanilang mga trabaho.

Ilulunsad din sa nasabing pagdiriwang ang tree planting activity at clean up drive bilang bahagi pa rin ng I Love Cagayan River Movement na nangangahulugan ng pagpapanatuli sa likas na kagandahan ng probinsya.

Sa June 30 naman ay isasagawa rin ang oath taking ni Governor Manuel Mamba.