Pag-aaralan ng Senado ang isa sa mga suhestyon na suspendihin o itigil ang sweldo ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon kay Senate President pro-tempore Ping Lacson, mayroong panukalang solusyon ang Senado kung paanong hahawakan ang kaso ni Dela Rosa na mula pa noong November 10, 2025 ay hindi na nagpakita sa Mataas na Kapulungan.

Sinabi ni Lacson na isa nga sa inirerekomenda ay ipahinto ang sahod ni Sen. Bato pero dapat muna itong aralin ng husto dahil sakop sila ng Civil Service Law at posibleng hindi rin umubra ang hindi pagpapasweldo sa isang senador kung walang sapat na basehan.

Maaari aniyang pagbatayan ng gagawing solusyon sa kaso ni Dela Rosa ay kapag may inihaing reklamo laban sa senador sa Ethics Committee.

Nakipag-pulong ngayon si dating Senator Antonio Trillanes IV sa kanilang dalawa ni Senate President Tito Sotto at plano ng dating mambabatas na maghain ng ethics complaint laban kay Dela Rosa sa Marso.

-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw naman ni Lacson na hindi siya magiging bahagi ng rekomendasyon na parusahan si Sen. Bato dahil wala siyang moral authority para gawin ito dahil siya mismo ay nalagay sa parehong sitwasyon noon.