TUGUEGARAO CITY- Isinasapinal na umano ang draft ng executive order kaugnay sa mandatory na pagsusuot na ng dalawa o magkapatong na face mask lungsod ng Tuguegarao.
Sinabi ni Atty. Jonanette Siriban, spokesperson ng city government na ang nasabing hakbang ay bilang bahagi pa rin ng pag-iingat laban sa covid-19 lalo na sa Delta variant.
Ayon kay Siriban, sa ilalim ng nasabing EO, kailangan na magsuot ng dalawang face mask kung lalabas ng bahay.
vc siriban july 30
Bukod dito, sinabi ni Siriban na napag-usapan din sa ipinatawag na emergency meeting ni Mayor Jefferson Soriano kasama ang City IATF ang mahigpit na pagbabantay sa mga border checkpoints ng lungsod sa Brgy. Namabbalan, sa Iguig at Enrile upang matiyak na nasusunod ang mga protocols at makita ang mga travel documents ng mga pumapasok sa lungsod.
Sinabi niya na nagdagdag na ang pamahalaang panlungsod ng mga pulis at mga enforcers sa mga border checkpoints.
Ayon pa sa kanya, magpapatupad na muli ng zonal containment sa mga lugar na may kaso ng covid-19.
Hiniling na rin niya ni Mayor Soriano sa Department of Health at Philippine Red Cross na magpadala ng karagdagang specimen ng mga bagong nagpositibo ng covid-19 para sa genome sequencing upang malaman kung may bagong variant ng virus lalo na ang Delta sa lungsod.
Idinagdag pa ni Siriban na ipinag-utos na rin ni Soriano ang inspeksion sa mga dating quarantine facility upang maihanda ang mga ito sakaling kakailanganin bunsod ng tumataas na naman na kaso ng covid-19 sa Tuguegarao.
Sa ngayon ay may 369 na covid-19 active cases ang lungsod.