
Nagpahayag ng pagkaalarma ang Council for the Welfare of Children (CWC) sa pagtaas ng bilang ng mga kabataan na na-diagnose ng HIV (human immunodeficiency virus).
Sa unang Justice Summit ng Department of Justice, sinabi ni CWC planning officer Normina Mojica na sa mahigit 5,000 na natukoy na kaso ng HIV sa unang quarter ng taon, ang 30 ay mas bata sa edad na 15 noong isagawa ang diagnosis.
Para sa 15 hanggang 24 age bracket, kabuung 1,686 na kaso ng HIV ay naitala sa parehong panahon.
Sinabi ni Mojica na nakakalungkot dahil nang magsimula siya sa CWC noong 1996, anim na kaso lamang ang naitatala kada buwan.
Sa ngayon, sinabi niya na umaabot na ito sa 57 cases, ang statistics sa mga kabataan ay mas mataas.
Noong buwan ng Hunyo, naobserbahan ng United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS) at World Health Organization na ang Pilipinas ang may pinakamabilis na pagtaas sa bilang ng HIV cases sa Asia-Pacific region.
Ang bilang ng bagong HIV cases ay tumaas ng 550 percent mula sa 4,400 noong 2010 sa 29,600 noong 2024.
		
			









