Mahigpit na binabantayan ng Department of Health (DOH) ang pagtaas ng COVID-19 cases sa ilang bahagi ng Southeast Asia kaya naman tiniyak ng ahensya ang patuloy nitong pakikipag-ugnayan sa ASEAN members upang mapanatiling alerto ang bansa.
Ayon sa DOH, kahit walang dapat ikabahala sa ngayon, aktibo silang kumukuha ng beripikadong impormasyon sa pamamagitan ng ASEAN coordination mechanisms.
Sa Pilipinas, nakapagtala ng 87% na pagbaba ng kaso at pagkamatay dahil sa COVID-19 kumpara noong 2024. Mula sa 14,074 cases noong nakaraang taon, bumaba ito sa 1,774 ngayong 2025. May case fatality rate lamang na 1.13%, at pababa rin ang trend ng mga kaso nitong mga nakaraang linggo.
Hinihikayat naman ng DOH ang publiko na manatiling maalam sa pamamagitan ng opisyal na mga channel at ipagpatuloy ang mga health protocol tulad ng pagsusuot ng mask sa mga healthcare facility, pananatili sa bahay kapag may sakit, at regular na paghuhugas ng kamay.